Ang Magandang Balita ayon kay Marcos
Panimula:
Ang Magandang Balita ayon kay Marcos ay nagsisimula sa pahayag na "Ito ang Magandang
Balita tungkol kay Jesu-Cristo, ang Anak ng Diyos." Pinaniniwalaan ng
marami na ang aklat na ito ang pinakaunang naisulat na aklat tungkol sa
buhay ni Jesu-Cristo, at ito rin ang pinakamaiksi subalit ito naman ay
punong-puno ng buhay na kasaysayan. Ang madalas na pagpapaliwanag ng mga
salitang Aramaico at mga kaugaliang judio ay nagpapahiwatig na ang aklat
na ito ay isinulat para sa mga Hentil o mga Cristianong hindi Judio.
Si Jesus ay inilalarawan dito bilang isang taong may tanging kapangyarihan. Ito ay makikita sa kanyang pagtuturo, kapangyarihan laban sa mga demonyo at pagpapatawad
ng kasalanan. Ipinahayag rin niya na siya ang Anak ng Tao na naparito upang mag-alay ng kanyang buhay para sa kaligtasan ng mga makasalanan.
Sa paglalahad ni Marcos, higit niyang binigyang-diin ang mga ginawa ni
Jesus kaysa mga itinuro nito. Pagkatapos ng maikling ulat tungkol kay
Juan na Tagapagbautismo at tungkol sa pagbautismo at pagtukso kay Jesus,
tinalakay agad ni Marcos ang pagtuturo at pagpapagaling na ginawa ni
Jesus. Habang tumatagal, lalong lumilinaw ang pagkakilala ng mga
tagasunod ni Jesus sa kanya. Sa kabilang dako, lalo namang tumitindi ang
galit sa kanya ng kanyang mga kaaway. Sa huling mga kabanata, inilahad
ni Marcos ang mga pangyayari sa huling linggo ni Jesus dito sa lupa, ang
kanyang paghihirap, pagkamatay at muling pagkabuhay.
Bagama't hindi tuwirang binanggit ng aklat na ito kung sino ang may akda, maaaring tama ang
nakagisnang paniniwala na si Juan Marcos ang may akda nito
(Mga Gawa 12:12)(Mga Gawa 15:37).
Sinasabing isinulat niya ito sa Roma bago bumagsak ang Jerusalem noong A.D. 70. Sa ibang mas matatandang
manuskrito, ang aklat na ito ay nagtatapos sa kabanata 16, talata 8. Sa
iba namang mga manuskrito'y may maiksing pagwawakas at sa iba nama'y ang
mahabang pagwawakas. Dahil dito, ang mahaba (9-20) at maikling
pagwawakas (9-10) ay parehong isinama sa teksto ngunit nakapaloob sa mga
panaklong upang ipahiwatig na mayroong tekstuwal na katanungan sa mga
nabanggit na bahagi.
Nilalaman: