Ang Sulat ni Pablo sa Mga Taga-Roma
Panimula:
Isa sa mga pangunahing layunin ng Sulat ni Pablo sa Mga Taga-Roma ay
upang makapaghanda ang mga Cristiano sa Roma para sa pagdalaw ni Pablo roon.
Balak niyang maglingkod nang kaunting panahon sa mga Cristiano sa Roma
at pagkatapos, sa tulong nila, ay pumunta naman siya sa Espanya. Sa kanyang sulat, ipinaliwanag ni Pablo ang kanyang pagkaunawa sa
pananampalataya at ang praktikal na kaugnayan nito sa buhay ng mga Cristiano. Nasa aklat na ito ang pinakabuod ng kanyang mensahe.
Matapos niyang batiin ang mga kapatiran at sabihing sila'y kanyang idinadalangin, inilahad ni Pablo na
ang pagpapawalang-sala ng Diyos sa mga tao ay "sa pamamagitan ng pananampalataya buhat sa simula hanggang sa wakas"
(1:17). Ipinaliwanag niya na ang lahat ng tao, maging Judio o Hentil, ay kailangang
mapawalang-sala ng Diyos, sapagkat ang lahat ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan. At ang
pagpapawalang-salang ito ay mangyayari lamang kung ang mga tao'y sasampalataya kay Cristo Jesus.
Kasunod nito, inilalarawan ni Pablo ang bagong kaugnayan ng tao sa Diyos bunga ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
Ang mananampalataya ay naibalik na sa Diyos, at sa kapangyarihan ng Espiritu ay lumaya na mula sa
kapangyarihan ng kasalanan at kamatayan. Sa kabanatang 5--8, tinatalakay rin ni
Pablo ang layunin ng Kautusan at ang kapangyarihan ng Espiritu Santo sa buhay ng mananampalataya.
Ipinaliwanag niya kung paanong ang mga Judio at ang mga Hentil ay nasasaklaw ng layunin ng Diyos para sa
sangkatauhan. Sa pagwawakas, sinabi niya na ang pagtatakwil ng mga Judio kay Jesus ay nakapaloob sa layunin
ng Diyos na sa pamamagitan ng pagtatakwil na iyon, ang pagliligtas ng Diyos ay nakaabot sa lahat ng tao, pati sa mga hindi
Judio. Ngunit naniniwala si Pablo na pansamantala lamang ang pantangging ito ng mga Judio kay Jesus.
Sa huling bahagi ng sulat, inilalahad niya ang nararapat na pamumuhay ng Cristiano, lalo na ang tungkol sa pagmamahalan.
Pinaliwanag rin dito ni Pablo ang tungkol sa paglilingkod sa Diyos, ang tungkulin ng mga Cristiano sa kanilang
pamahalaan at sa isa't isa. Tinalakay din niya ang mga katanungang may kinalaman sa mga pagkain at ang tungkol sa Araw ng
Pamamahinga, na ikinatitisod ng ilang mga kapatiran sa Roma. Nagwawakas ang sulat sa mga pagbating personal
at pagpupuri sa Diyos.
Nilalaman: